-- Advertisements --

DAGUPAN CITY — “Mas mainam kung magkakaroon ng provisional increase sa pasahe na tutukuyin mismo ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board.”

Ito ang binigyang-diin ni AutoPro Pangasinan President Bernard Tuliao sa naging panayam sa kanya ng Bombo Radyo Dagupan hinggil sa hiling ng National Transport Coalition na dagdag pasahe sa peak hours ng pasada. Dagdag pa ni Tuliao na sa ganitong paraan ay makakabawi naman ang hanay ng mga draybers datapwat patuloy ang pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

Kaugnay nito ay mariin ding pinabulaanan ni Tuliao ang hiling ng grupong Pasang Masda dahil mas lalo lamang itong magdudulot ng kalituhan sa mga commuters partikular na pagdating sa rush hours, kung saan ay uubos na ito ng isang oras at kalahati sa lungsod pa lamang ng Dagupan.

Muli naman nitong idiniin na pinakamainam talagang solusyon sa dagdag-singil sa presyo ng produktong petrolyo ay ang pagpabor ng LTFRB sa kanilang hirit na muling itaas ang pasahe nang sa gayon ay mabawasan din ang pasanin ng mahal na krudo sa mga drayber.

Saad pa ni Tuliao na sa pamamagitan ng pagkakaroon ng provisional increase sa pamasahe ay mas makakaahon ng mabilis ang hanay ng transportasyon at sa oras namang bumaba ang presyo ng krudo ay maaari na rin nilang alisin ang nasabing provisional fare.