Aabot sa higit P140-milyon ang iniwang utang ni dating Manila City Mayor Joseph “Erap” Estrada sa pagalis nito bilang alkalde ng siyudad ayon sa report ng Commission on Audit (COA).
Sa annual audit report ng COA, nabatid na bigong mabayaran ng administrasyon ni Estrada ang iba’t-ibang transaksyon na pinasok nito mula noong April 1 hanggang matapos ang termino nito noong Hunyo.
Kung hihimayin ang ulat, makikita ang P67-milyong halaga ng disallowances, P42-milyong suspensyon at P32-milyon charges.
May P4.3-bilyon din daw itong cash deficit o kulang sa pondo.
Sa ngayon sinusuri na ng CIty Accountant at Budget Officer ang report ng state auditors.
Una ng dumepensa si Estrada sa mga haka-haka ng COA report dahil nasa higit P10-bilyon pondo raw ang kanyang iniwan sa City Treasury makaraang bumaba sa pwesto.