-- Advertisements --
20210222 160035

Nasa P13 million ang halaga ng mga smuggled na sigarilyo at gamot ang nasabat ng Bureau of Customs (BoC) sa pamamagitan ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) ng Manila International Container Port’s (MICP) at Enforcement and Security Service (ESS) sa Tambo, Parañaque City.

Aabot sa P4 million ang halaga ng nasabat sa unang operasyon ng mga Chinese cigarettes at medicines habang sa ikalawang operasyon ay papalo naman sa P9 million ang halaga ng mga nasabat na kontrabando.

Nag-ugat ang operasyon sa letter of authority (LOA) na pirmado ni BoC Commissioner Rey Leonardo B. Guerrero.

Sa pakikipag-ugnayan ng BoC sa Philippine Coast Guard (PCG) at National Bureau of Investigation (NBI) ay agad nilang hinalughog ang dalawang storage facilities sa naturang lugar at dito na tumambad ang mga gamot at sigarilyo mula China.

Nagpapatuloy naman ang imbestigasyon ng mga otoridad para panagutin ang mga sangkot sa smuggling ng mga gamot at sigarilyo.

Posibleng maharap ang mga ito sa kasong paglabag sa section 1400 ng RA 10863 o Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).