Matapos ang pananalasa ng Bagyong Goring sa malaking bahagi ng Northern Luzon, tiniyak ng Department of Agriculture ang nakahandang tulong para sa mga magsasaka at mangingisdang biktima ng naturang bagyo.
Batay sa inilabas na pahayag ng ahensiya, umaabot sa P100million na halaga ng mga binhi ang nakahandang ipamigay sa mga biktima.
Kinabibilangan ito ng mga binhi ng palay, mais, at ibat ibang mga high value crops.
Tiniyak din ng kagawaran ang sapat na gamot na maaaring gamitin sa mga alagang hayop.
Ang naturang tulong ay maliban pa sa Quick Response Fund(QRF) na nakahandang gamitin bilang rehabilitasyon sa mga apektadong lugar.
Sa paunang ulat ng kagawaran, humigit kumulang 4,000 mga magsasaka ang naapektuhan ng nasabing supertyphoon, mula sa halos 12,000 ektarya ng lupain na binubuo ng 70% na maisan at 30% na palayan.