-- Advertisements --
boc designer bag

Umabot ng P100-milyong piso ang kabuuang halaga ng mga nasabat na pekeng bags at gamot ng Bureau of Customs (BOC) sa isang storage facility sa Tondo.

Pinangunahan ang naturang operasyon ng Manila International Container Port (MICP) Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) sa pamamagitan ng letter of authority (LOA) na ibinigay ni Commissioner Rey Leonardo Guerrero.

Ininspeksyon ng mga otoridad ang nasabing pasilidad kung saan nakita ang mga intellectual property infringing items tulad ng Louis Vitton, Gucci, at Channel designer bags.

May nakuha rin ang mga ito na hindi rehistradong face shields, face masks, pekeng gamot at pekeng sabon.

Natuklasan din ng ahensya na ang ilang face masks na nasa storage facility ay ang brand ng AIDELAI na ipinagbabawal ng Food and Drug Administration (FDA) dahil hindi ito dumaan sa ahensya para sa pagsusuri.

Kasalukuyan namang nagsasagawa ng dagdag na imbestigasyon at imbentaryo ang BOC upang malaman kung sino ang responsable sa pagpasok sa bansa ng mga nasabing gamit.

Gayundin ang pagsasampa ng kaso sa sinumang mapapatunayang dawit sa tiwaling gawain dahil sa paglabag sa Republic Act 10863 o Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) at The Intellectual Property Law of the Philippines.