-- Advertisements --
image 58

Dalawang miyembro ng Bangsamoro Parliament ang naghain ng panukalang naglalayong pigilan ang paggamit ng single-use plastics sa Bangsamoro Autonomous Region sa Muslim Mindanao sa pamamagitan ng P10 na bayad.

Sina MPs Amir Mawallil at Rasol Mitmug ay naghain ng Parliament Bill No. 248, na naglalayong magpatibay ng isang sistematiko, komprehensibo, at ecological regulation ng single-use plastic materials sa loob ng BARMM.

Ayon kay Mawallil, ang panukalang ito ay nakikiisa sa pandaigdigang kilusan upang limitahan o ganap na puksain ang paggamit ng mga materyales na nakakapinsala sa kapaligiran tulad ng single-use plastics.

Dagdag pa ni Mawallil, ito rin ay nagtataguyod ng paggamit ng mga alternatibo sa mga single-use plastics sa pamamagitan ng pag-uutos sa gobyerno ng Bangsamoro, sa pakikipagtulungan sa mga lokal na komunidad, negosyo, at mga stakeholder, na aktibong hikayatin ang paggamit ng mga materyal na eco-friendly, tulad ng mga reusable na bag.