P10M TULONG PINANSYAL, NAIPAMAHAGI SA KABUUANG 171 NA DATING MGA REBELDE SA CENTRAL VISAYAS SA ILALIM NG E-CLIP PROGRAM
Umabot sa kabuuang 171 na mga dating rebelde ng New People’s Army (NPA) sa Central Visayas ang nakabenepisyo at nakatanggap na ng tulong pinansyal sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) matapos silang magbalik-loob sa pamahalaan.
Inihayag ni Department of Interior and Local Government (DILG) E-CLIP Focal Person Ruel Evangelista, na ang nasabing bilang ay mula nang sinimulan ang programa hanggang sa kasalukuyan kung saan naipamahagi ang nasa P10 million pesos na livelihood at immediate assistance.
Sinabi pa ni Evangelista na noong nakaraang taon, 15 dating rebelde mula sa Bohol ang nakatanggap ng tulong habang nitong Marso ng taong kasalukuyan ay 13 dating rebelde at isang miyembro ng Militia ng Bayan naman mula sa Negros Oriental ang nakabenepisyo sa naturang programa.
Layunin pa ng tulong na palakasin ang mga pagsisikap na pagbuo ng kapayapaan ng mga local government units sa ilalim ng kampanyang End Local Communist Armed Conflict (ELCAC).
Binigyang-diin naman ni 3rd Civil Relations Group Commander Major Joe Patrick Martinez na hindi reward money ang assistance na ibinigay kundi isang oportunidad para magsimula ng panibagong buhay ang mga ito at bumalik sa kanilang komunidad.
Dagdag pa, isa rin umano itong motibasyon para sa mga rebelde na mamuhay ng normal at mapayapa.