BACOLOD CITY – Umabot sa P10-milyon ang halaga ng heavy equipment sa hacienda na pinagmamay-ari ni dating ambassador at business mogul Eduardo “Danding” Cojuangco sa lungsod ng Himamaylan, Negros Occidental ang sinunog ng mga lalaki na nagpakilala na miyembro ng New People’s Army (NPA).

Ayon sa hepe ng Himamaylan City Police Station na si Lt. Col. Glenn Provido, tatlong mga suspek ang pumasok sa compound sa Hacienda Nieva, Barangay Tooy, ngunit mayroong hindi bababa sa 30 na mga indibiduwal ang nag-babantay sa paligid.

Mayroong guwardiya sa Hacienda, ngunit nagkataon na wala itong dalang armas habang naglilibot.

Sinunog ng mga ito ang apat na traktora, isang cane loader at isa pang 10-wheeler truck.

Meron din umanong isang truck na binuhusan ng mga suspek ng gasolina ngunit hindi na ito nasindihan dahil kaagad na rumesponde ang mga kapulisan.

Bago pa man nakaalis sa lugar, nagpakilala ang mga suspek na miyembro sila ng komunistang grupo.