Itinutulak ngayon sa Kamara ang panukalang batas na naglalayong magbigay ng karagdagang cash assistance sa mga pamilyang apektado ng COVID-19 pandemic.
Inihain nina dating Speaker Alan Peter Cayetano at Taguig Pateros Rep. Lani Cayetano ang House Bill 8597 o ang proposed Bangon Pamilyang Pilipino (BPP) Assistance Program, na naglalayong bigyan ng aabot sa P10,000 ang bawat pamilyang apektado ng public health crisis.
Prayoridad sa ilalim ng programang ito ang mga senior citizens, persons with disabilities, solo parents, displaced workers, medical frontliners, OFWs, mga indibidwal na hindi nabigyan ng ayuda sa ilalim ng Social Amelioration Program, mga Philippine National ID holders, at miyembro ng vulnerable groups.
Layon din ng panukalang ito na palakasin ang household consumption, na nakikitang makakatulong sa pagbangon ng ekonomiya ng bansa matapos na maitala ang pinakamalalang economic contraction magmula noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Ayon sa mga kongresista, bagama’t kilala ang mga Pilipino sa pagiging matatag, kailangan pa ring tulungan ang mga ito na makabangon mula sa pagkakalugmok dahil sa pandemya.
Co-authors sa naturang panukala ang mga kaalyado ng dating lider ng Kamara na sina Camarines Sur 2nd District Rep. Luis Raymund “LRay” Villafuerte, Jr., Batangas 2nd District Rep. Raneo Abu, Laguna 1st District Rep. Dan Fernandez, Bulacan 1st District Rep. Jose Antonio “Kuya” Sy-Alvarado, at ANAKALUSUGAN Partylist Rep. Michael Defensor.










