Pinayuhan ng Department of Labor and Employment (Dole) ang mga employers sa tamang pasahod sa kanilang mga empleyado sa dalawang holiday ngayong buwan ng Agosto.
Sa darating na Agosto 21 ay idineklara ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr ang Ninoy Aquino Day na isang special nonworking day para gunitain ang martyrdom ng namayapang Senator Benigno Aquino Jr.
Sa advisory ng DOLE na ipapatupad sa Agosto 21 ang “no work, no pay” policy.
Ang sinumang empleyado na papasok sa Agosto 21 ay mababayaran ng dagdag na 30 porsyento sa kaniyang basic wage sa loob ng walong oras.
Magkakaroon lamang ng dagdag na 30 percent sa kada oras na sahod kapag lumagpas ng walong oras ang pagtatrabaho ng isang empleyado.
Sakaling ang empleyado ay nasakto sa araw ng kaniyang pagpapahinga at siya ay pinapasok ay mababayaran siyang 50 percent ng kaniyang basic wage sa loob ng walong oras at dagdag ng 30 percent sa kada oras kapag lumagpas ito ng walong oras.
Habang sa Agosto 31 na National Heroes’ Day ay idineklara bilang regular holiday.
Kung saan ang empleyado na hindi pumasok sa trabaho ay mababayaran ng buo ng kaniyang sahod at kapag ito ay pumasok sa araw na ito ay magiging doble o makaktanggap ang isang empleyado ng 200 percent sa loob ng walong oras nitong trabaho.
Magkakaroon naman ng dagdag na 30 percent sa arawang sahod nito kapag lumagpas ng walong oras ang trabaho.
















