Asahan umanong papalo sa P10.3 billion ang karagdang kita ng National Capital Region (NCR) kada linggo sakaling luwagan pa ang alert level sa Metro Manila.
Ayon kay Socioeconomic Planning Secretary at National Economic and Development Authority (NEDA) Chief Karl Kendrick Chua, maisasakatuparan ito kapag ang kasalukuyang Alert Level 3 ay ida-downgrade sa Alert Lever 2 status.
Mababawasan din umano ang bilang ng mga unemployed ng 43,000 kada linggo kapag luluwagan pa ang mga restrictions.
Dagdag pa ni Chua, kapag idadagdag pa raw ang mga lugar na nasa labas ng NCR, aabot pa sa P13.2 billion kada linggo ang kita ng NCR.
Maibababa rin ang unemployed sa 56,000.
Sinabi pa ni Chua na ang pagbubukas ng ekonomiya ay mayroong direct impact sa gross domestic product (GDP) o ang total monetary o market value ng mga finished goods at services na nalilikha ng ating bansa maging sa impact sa ating mga kababayan.
Kung maalala, ang mga karatig lugar ng Metro Manila kabilang ang Bulacan, Bataan, Cavite, Rizal at Laguna ay kasalukuyang nasa modified enhanced community quarantine (MECQ) mula Oktubre 16 hanggang 31.