Handa umano si Pangulong Rodrigo Duterte na magbigay ng P1 million patong sa ulo sa bawat convicted criminals na nakalaya dahil sa Good Conduct Time Allowance (GCTA) Law kung bigong sumuko sa ibinibigay nitong 15 araw para bumalik sa Bureau of Corrections (BuCor).
Sa press conference ngayong gabi, sinabi ni Pangulong Duterte na kung mabigo silang lumutang sa loob ng 15 araw, ituturing na silang “fugitive of the law” o mga kriminal at maaari silang mapatay.
Ayon kay Pangulong Duterte, P1 million ang pabuya sa bawat isa sa 1,700 convicted criminals na nakalaya na kinabibilangan ng mga sangkot sa heinous crimes at illegal drugs cases.
Kaya saan man daw sila, mas mabuting sumuko na sa mga pulis o militar kaysa mapatay.
Tiniyak naman ni Pangulong Duterte na hindi makakalabas ng bansa ang mga Chinese nationals na convicted sa illegal drugs cases na napasama sa mga nakalaya dahil sa GCTA.
Inaako daw nito ang buong responsibilidad at handang maimbestigahan sa magiging kahinatnan ng kanyang desisyon.