Itinutulak ngayon ni Makati City Rep. Luis Campos na maipasa ang panukala na magpapatupad ng P1 milyong multa bawat araw, o katumbas ito ng P365 million per year, sa mga telecommucation companies na hindi maaabot ang kanilang mandaroty internet speed targets.
Batid umano ng lahat na isa ang Pilipinas sa mga bansang may pinakamabagal na internet speeds sa buong mundo at Asya.
Ayon kay Campos, karapatan ng publiko na maranasan ang mas mabilis na internet speeds dahil sumasalamin daw ito sa mataas na economic productivity at magandang kalidad ng buhay ng mga Pilipino.
Binigyang-diin din ng mambabatas kung bakit kailangang suportahan ng Kongreso ang National Telecommunications Commission (NTC) upang makapag-set ito ng compulsory deadlines upang maibigay ng mga industry players ang mahbilis na internet speed sa taumbayan.
Sa ilalim ng House Bill No. 7479 na inihain ni Campos noong Agosto, ang mga telco firms na mabibigong abutin ang mandatory internet speed targets ay papatawan ng P1 milyong multa bawat araw hanggang sa sumunod ang mga ito.
Ani Campos, nais niyang mag-set ang NTC ang mas pinabilis na internet speed targets kada taon at multahan ang mga service providers na hindi magagampanan ang kanilang tungkulin.
Ginawa ng mambabatas ang naturang hakbang matapos ang isinagawang global speed test kung saan napag-alaman na sa 139 na mga bansa ay nasa ika-110 na pwesto ang Pilipinas pagdating sa mobile data speed, na may average na 18.49 megabits per second (Mbps).
Ang 18.49 Mbps daw kasi ng bansa ay katumbas lamang ng 60 porsiyento ng 30.94 Mbps avergae mobile internet speed sa buong ASEAN members.