-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Inaalam ngayon ng inter-agency group ang kapasidad at lawak ng lugar na sakop ng naarestong dalawang suspected drug pushers sa bahagi ng Barangay Dalican, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao.

Kinilala ng mga otoridad ang mga suspek na sina Sabi Tahir Omar alyas Bertos Taher Omar at Enar Lumawan Bulilo alys Jabbar na kapwa residente sa lugar.

Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni AFP Western Mindanao Command spokesperson Lt Col Alaric de los Santos na mismo ang Philippine Drug Enforcement Agency-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (PDEA-BARMM) ang nagsagawa ng anti-drug buy bust operation kasama ang pulisya habang nagbigay sila ng perimeter security dahilan na naaresto ang mga suspek.

Inihayag ni De Los Santos na batay sa nakumpiska ng inter-agency team ay umaabot sa P1 million halaga ng suspected shabu mula sa mga suspek at P600,000 na boodle money na ginamit sa nangyaring operasyon.

Sinabi ng opisyal na simula nang magkasabay ang tatlong law enforcement agencies pagsagawa ng operasyon laban iligal na droga ay marami na ang nakompiska at ilang malalaking suspected drug personalities na rin ang napakulong mula sa mga sakop na lugar ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Sa ngayon,inihanda na ng PDEA-BARRM ang kaukulang kaso na isasampa sa piskalya laban sa mga naarestong suspects.