Magbibigay ang pamahalaan ng P1,000 na ayuda para sa 9.3 million sambahayan na hahatiin sa dalawang buwan para matulungan ang mga ito na makarekober mula sa epekto ng inflation o bilis ng pagtaas na presyo ng mga bilihin at serbisyo.
Ayon kay Finance Secretary Benjamin Diokno, naglaan ang pamahalaan ng P9.3 billion para sa targeted cash transfer program.
Natukoy na aniya ang pagkukunan ng nasabing pondo at nakatakdang ilabas sa mga susunod na araw o linggo.
Ang listahan ng 9.3 million benepisyaryo ng ayuda ay magmumula sa Department of Social Welfare and Development.
Maglalabas din ang pamahalaan ng P26.6 billion pa para sa pagpapatuloy ng pagbibigay ng mga subsidiya para sa mga mahihirap na sektor kabilang dito ang pagpapalawig sa Kadiwa program, diskwento sa langis at fuel subsidy para sa sektor ng transportasyon.
Sa naturang halaga, nasa P13.3 billion ang ilalaan para sa fertilizer discounts habang P1 billion para sa fuel discounts ng mga magsasaka at mangingisda at nasa P3 billion ang ibibigay bilang fuel subsidy ng transport sector.
Una rito, iniulat ngayong araw ng Philippine Statistics Authority na bahagyang bumagal ang inflation sa bansa sa antas na 8.6% noong Pebrero mula sa 8.7% noong Enero 2023.
Nakatulong ng malaki sa pagbagal ng inflation ang mas mabagal na paggalaw ng presyo sa mga ginagamit sa transportasyon gaya ng gasolina, diesel at motorsiklo.
Last edited by forever on Tue Mar 07, 2023 1:54 pm, edited 3 times in total.