VIGAN CITY – Inatasan na umano ng Department of Agriculture (DA) ang National African swine fever (ASF) Task Force na gamitin at ipamahagi ang P1 bilyon sa mga backyard hog raisers na apektado ng ASF virus sa bansa.
Ito’y matapos aminin kamakailan ng DA na kulang ang kanilang pondo para sa ayudang ibibigay sa mga apektado ng ASF na magbababoy.
Sa mensaheng ipinadala sa Bombo Radyo Vigan ni Agriculture Secretary William Dar, sinabi nito na ang nasabing halaga ay inaprubahan ng Department of Budget and Management (DBM) at ibibigay bilang bayad-danyos sa mga alagang baboy ng mga hog raisers na dumaan sa culling operation dahil sa ASF.
Ngunit ipinaalala naman ni Dar na ito ay para lamang sa mga backyard hog raisers, at hindi kasama ang mga commercial hog raisers dahil mayroon naman silang sapat at epektibong biosecurity measures.
Sa ngayon, P3,500 ang ibinibigay ng DA sa mga magbababoy sa bawat baboy na idadaan sa tinatawag na culling operation.
Ibig sabihin nito, ang pondo na inaprubahan ng DBM ay sapat lamang para sa halos 300,000 baboy na idadaan sa kokolektahin at papatayin.