Normal na ang sitwasyon dito sa paligid ng Star City sa Pasay City matapos ngang tupukin ng apoy ang halos kabuuan ng establisyemento bunsod ng sunog na nangyari kahapon ng madaling araw.

Bukas na muli sa mga motorista ang kahabaan ng Vicente Sotto Street na halos isang araw kinordon dahil sa mga rumespondong fire truck.

Sa ngayon may naka-stand by pa rin na truck ng bumbero mula sa Pasay City Fire Station sakali raw na may sumiklab muling apoy.

Pero pasado alas-2:00 nga ng hapon nitong Miyerkules nang idekalarang fire out ang lugar.

Batay sa imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection, umabot sa P1-bilyon ang halaga ng danyos mula sa sunog na umabot sa Task Force Bravo o 5th alarm.

Nasa 200 empleyado naman ang naapektuhan naman ng insidente.

Ayon kay Pasay City Fire Marshall Fire Supt. Paul Pili, malaki ang posibildad na arson o sinadyang pagsunog ang sanhi ng insidente.

Nabatid kasi sa pagsusuri na mula sa magkakaibang lugar ng amusement park nagsimula ang sunog.

Pero nanindigan ang pamunuan ng establisyemento na aksidente ang pagsiklab ng apoy.

Bukod sa fire truck na naka-stand by, nakabantay din ang otoridad sa mga magtatangkang pumasok dahil nag-abiso na raw ang BFP sa may-ari ng establisyemento na aabutin pa ng 45 araw bago payagang masilip ang loob ng natupok na bahagi ng amusement park.

Sisikapin naman daw ng may-ari na bahagyang buksan muli sa publiko ang establisyemento bago matapos ang taon dahil hindi nadamay sa sunog ang mga rides na nasa labas ng nasunog na gusali.