BAGUIO CITY – Binunot at sinunog ng anti-illegal drug operatives ng Benguet PNP ang higit P1.7-million halaga ng tanim na marijuana sa dalawang araw na eradication operations sa bayan ng Kibungan at Bakun sa Benguet.
Nadiskubre ng mga operatiba ang anim na plantation sites sa Palina at Tacadang, Kibungan at binunot ang mga tanim na marijuana doon na aabot sa P960,000 ang halaga.
Natagpuan sa Tacadang ang 50 dried marijuana stalks naman na may timbang na anim na kilo at nagkakahalaga ng P750,000.
Doon naman sa plantation site sa Kayapa, Bakun, binunot at sinunog rin ng mga operatiba ang 150 piraso ng marijuana.
Samantala, nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang apat na lalaking naaktuhang nagpa-pot session sa La Trinidad, Benguet kamakalawa.
Nakilala ang mga ito na sina Raymark Granil, 25, porter, tubo ng Tarlac; Stafin Olsim Jr., 54, self-employed, tubo ng Buguias, Benguet; Ariel Degyem, 38, porter, tubo ng Bokod, Benguet at Mark Jason Nugal, 30, laborer, tubo ng Tublay, Benguet, pawang mga residente ng La Trinidad, Benguet.
Nahuli ang mga suspek nang rumisponde ang mga operatiba sa report na kanilang natanggap ukol sa nasabing session ng mga suspek.
Nakumpiska sa mga ito ang walong pakete ng shabu at ibat-ibang drug paraphernalia.