-- Advertisements --

Nanawagan si ACT Teachers party-list Rep. France Castro na imbestigahan ng House oversight committee ang perang isinauli ng manufacturer ng kontrobersyal na anti-dengue vaccine Dengvaxia sa gobyerno.

Ayon kay Castro, kailangang matukoy kung saan na napunta at ano ng nangyari sa P1.6-bilyong fund na ibinalik ng Sanofi Pasteur sa pamahalaan.

Kataka-taka rin daw na wala ng naging update sa pondo, lalo na’t tumaas lalo ang dengue case sa bansa sa nakalipas na taon.

Kaugnay nito nanindigan ang kongresista na hindi solusyon ang pagbabalik ng Dengvaxia sa pagdedeklara ng National Dengue Epidemic ng Department of Health.

Para kay Castro, dapat na tinututukan ng gobyerno ang mga hakbang para malinis ang kapaligiran.

Pinaalala rin nito ang kampanya ng DOH hinggil sa “4S” strategy – “Search and Destroy” mosquito breeding places, “Secure Self Protection” mula sa kagat ng lamok, “Seek Early Consultation” kapag nakaranas ng mga sintomas ng dengue, at “Say Yes to Fogging.”