Lusot na sa House Defeat COVID-19 Ad Hoc Committee ang tatlong panukalang batas na naglalayong sindihan ulit ang ekonomiya at palakasin ang estado ng public health sa bansa kontra COVID-19.
Inaprubahan ng komite na pinamumunuan ni Majority Leader Martin Romualdez ang report sa House Bill (HB) 6709 o COVID-19 Unemployment Reduction Economic Stimulus (CURES) Act; HB 6623 o ang Better Normal for the Workplace, Communities and Public Spaces Act; at HB 6707 na naglalayong magtatag ng baseline sa PCR testing.
Ang CURES Act, na iniakda ng liderato ng Kamara, ay paglalaanan ng P1.5-trillion na pondo para gamitin sa health, education, agriculture, local roads infrastructure at livelihood (HEAL).
Ang naturang halaga ay hahatiin sa tig-P500 billion sa loob ng tatlong taon simula ngayong 2020.
Ayon kay Romualdez, hangad nilang makagawa ng ilang milyong trabaho na magmumula sa infrastructure projects na kalaunan ay makakatulong sa pagbangon ng ekonomiya ng bansa.
Sinabi ng kongresista na hangad naman ng Better Normal for the Workplace, Communities and Public Spaces Act na ihanda ang publiko sa oras na alisin na ang quarantine restrictions.
Sa oras kasi aniya na makapag-adapt na sa new normal ang publiko ay maari na ring magbalik ulit ang operasyon ng maraming negosyo at makakapagtrabaho na rin ang maraming empleyado na hindi nangangambang mahawa sa COVID-19.
Kaakibat nito, iginiit ng kongresista na dapat magdoble kayod din sa pagtitiyak na napoprotektahan ang napapabilang sa vulnerable sectors.
Kaya ipinasa aniya nila ang HB 6707 para gawing available, affordable at accessible ang COVID-19 testing dahil pinasasagot nito sa PhilHealth ang bayad sa PCR testing ng mga nasa vulnerable sectors.
Samantala, inaprubahan din ng komite ang dalawang resolusyon na humihimok sa national government na bilisan ang pagpapahatid ng second tranche ng Social Amelioration Program, at ang proposed Php66-billion supplemental budget sa Department of Agriculture (DA).