-- Advertisements --

NAGA CITY – Nakumpiska ang halos P1.5-M na halaga nang pinaghihinalaang shabu sa isinagawang buy-bust operation ng mga awtoridad laban sa dalawang indibidwal sa Naga City.

Kinilala ang mga suspek na sila Jerson Nebria, 39-anyos at Robert Luna, 29-anyos, residentes ng Zone 7 San Rafael, Cararayan sa nasabing lungsod.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PSMSgt. Toby Bongon, tagapagsalita nang Naga City Police Office, sinabi nito na nakabili ng isang sachet nang nabanggit na iligal na droga ang nagpanggap na posuer buyer mula sa dalawang suspek sa halagang P75,000 na mayroong bigat na tinatayang 25 grams.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, napag-alaman pa na maliban dito, nakumpiska pa sa mga suspek ang isang knot tied transparent plastic at anim pang sachet nang pinaghihinalaang shabu na mayroong kabuuang bigat na 220 grams at nagkakahalaga ng tinatayang P1,496,000.

Dagdag pa nang opisyal, ang nasabi umanong operasyon ang maituturing na High Impact Operation dahil ang mga suspek ang mga High Value Individuals.
Ito na rin ang kauna-unahang matagumpay na operasyon nang Naga City Police Office para sa taong 2023.