Sinimulan nang i-turnover ng Pasig City sa Department of Education (DepEd) ang mga laptops at tablets na binili nito upang ipamahagi sa mga guro at estudyante ng lungsod.
Ayon kay Pasig City Mayor Vico Sotto, binasag nila ang kanilang alkansya para lamang makabuo ito ng P1.2 bilyon para sa learning devices ng mga mag-aaral at guro para sa kanilang online learning.
Aminado ang alkalde na medyo mabigat at malaki-laking pondo ang kailangang ilabas ng lokal na gobyerno ng Pasig para sa naturang proyekto.
Dagdag pa nito na ipamamahagi ang mga laptops sa mga guro ng Pasig na wala pang laptop na gagamitin para sa kanilang pagtuturo. Hindi rin kinalimutan ni Mayor Vico ang mga science high school students ng lungsod.
Samantala, mayroon namang tablets na matatanggap ang mga elementary at high school students.
Nakahanda ring magbigay ng libreng software ang Pasig LGU para sa mga ito.