-- Advertisements --

Naglaan ng kabuuang P1.1 billion na pondo para sa disaster response ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang makapagpamahagi ng tulong sa mga indibidwal na apektado ng pananalasa ng bagyong Karding.

Ayon kay DSWD spokesperson Romel Lopez, kasalukuyan ng nagsasagawa ang provincial at regional offices ng DSWD ng relief efforts sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Bicol Region, National Capital Region (NCR), at Cordillera Administrative Region (CAR).

Nasa 224,000 family food packs ang nakapre-positioned na handang ipamahagi sa 194 evacuation centers kung saan pansamantalang nanunuluyan ang aabot sa 9,000 indibidwal na sinalanta ng bagyong Karding.

Ayon sa DSWD official, sasapat aniya ang naturang pondo para matulungan ang mga sinalanta ng bagyo.

Ito ay sa gitna ng inaasahang paglobo ng bilang ng apektadong mga residente dahil sa lakas ng pananalasa ng bagyo.