-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Tuluyang ni-relieve bilang chief intelligence branch ng Cagayan Police Provincial Office (CPPO) si P/Major Bienvenido Reydado na inakusahang isa sa mga ninja cops na humarap sa Senate hearing.

Si P/Maj Reydado ang dating provincial director ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)-Pampanga, na sinampahan ng kaso noong 2014 dahil sa paratang na pag-recyle ng mga nakumpiskang droga sa isang Chinese drug lord sa isinagawang drug operation.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni P/Capt. Sharon Mallillin, Information Officer ng CPPO, na naitalaga roon si P/Major Reydado mula noong July 18, 2019 at marami na ring nagampanan sa kampanya kontra droga.

Matapos na ma-relieve si P/Major Reydado bilang hepe ng Intelligence Branch ng CPPO ay na-assign siya sa Provincial 1st Manuever Platoon.

Ayon kay P/Capt Mallillin, layunin din ng pag-relieve kay P/Maj. Reydado bilang hepe Intelligence Branch ng CPPO ay para hindi mabahiran ng pagdududa ang mga operasyon nila kontra droga.