-- Advertisements --

VIGAN CITY – Magbibigay na umano ng P100,000 na pabuya ang local government unit (LGU) ng Santa, Ilocos Sur para sa pagresolba ng kaso sa pagpatay sa 14-anyos na Grade 10 student na pinaniniwalaang napagtripang hampasin ng kahoy habang binabagtas ang national highway ng Marcos District, Santa noong madaling araw ng July 7.

Ito ang tiniyak ni Santa Mayor Jesus “Popoy” Bueno, Jr. sa Bombo Radyo Vigan sa gitna ng pagsigaw ng hustisya ng pamilya ng biktima na si Rodolfo Kristan Pancho II.

Samantala, sinabi ni Police Lt. Jerry Arzabal, hepe ng Santa municipal police station, na nakadepende umano ang kasong isasampa nila laban sa mga naunang pinangalanang suspek na edad 19 at 21 na taga Quezon at Pasungol, Santa na kinilala ng 16 na kasama ng biktima noong nangyari ang insidente.

Napag-alaman na nagpunta ang biktima sa bahay ng kaibigan nito para manghiram ng damit na isusuot nito sa pagkikita nila sana ng kaniyang nobya.

Ngunit, habang naglalakad pauwi sa kanilang bahay ang biktima kasama ang kaibigan nitong 16-anyos, bigla na lamang umanong dumating ang mga suspek sakay ng isang motorsiklo, kasama ang dalawa pang nakasakay sa motorsiklo na kasamahan ng mga ito at bigla na lamang hinampas ng kahoy ang biktima.