Kakaunti lamang sa mga Pilipinong nagtatrabaho sa Israel ang humihingi ng tulong sa pamahalaan sa kabila ng nagpapatuloy na sigalot sa pagitan ng Israeli security forces at Hamas militants, ayon kay Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) director Hans Leo Cacdac.
Sa Laging Handa briefing kaninang tanghali, sinabi ni Cacdac na ang mga Pilipinong humihingi ng tulong ay iyong mga lumikas sa mga bomb shelters sa lugar.
Sinabi ni Cacdac na maayos namang naibibigay ng Philippine Embassy at ng Philippine Overseas Labor Office sa Tel-Aviv ang tulong na hinihingi ng mga apektadong Pilipino.
Sa ngayon, nasa 30,000 ang mga OFWs sa Israel, kung saan karamihan sa bilang na ito ay pawang mga caregivers na naninirahan bahay ng kanilang mga employers na mayroon namang bomb shelters, ayon kay Cacdac.
Sa naturang bilang, sinabi ng OWWA chief na tanging 300 Pilipino sa lugar ang direktang apektado ng armed conflict sa Askelon at Ashdon sa Israel, at 100 pa sa Gaza Strip na karamihan ay nakapag-asawa ng Palestinians.










