-- Advertisements --

Hindi pa nakatanggap sa kasalukuyan ng mga request for assistance ang Overseas Workers Welfare Administration-Central Visayas mula sa pamilya ng mga overseas workers sa rehiyon na apektado ng giyera sa Israel.

Gayunpaman, inihayag ni Jeffrey Signo, overseas workers welfare officer, na full force ang kanilang tanggapan para tulungan ang mga Pinoy na naiipit sa kaguluhan sa nasabing bansa.

Sinabi pa ni Signo na nakaalerto sila sa anumang panawagan ng tulong sakaling may mga “kababayan” na natrap sa sagupaan sa pagitan ng Israel at Palestine.

Bukas din aniya 24/7 ang kanilang help desk para sa mga pamilya ng mga overseas Filipino worker sa rehiyon na kasalukuyang nagtatrabaho doon.

Binanggit pa nito na mula Enero ngayong taon hanggang sa kasalukuyan, wala naman umano silang naitalang deployment sa rehiyon para sa Israel ngunit tumugon pa rin sila sa direktiba ng kanilang central office na maging alerto.

Hinihintay na lang nila sa ngayon ang data mula sa central office kaugnay sa statistic o figure sa Central Visayas.