MANILA – Pumalag ang Office of the Vice President (OVP) sa panibagong banat ng Malacanang ukol sa kahandaan ni VP Leni Robredo sakaling mahalal siya bilang presidente siya ng Pilipinas.
Sa isang pahayag, inulit ni Presidential spokesperson Harry Roque ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte tungkol sa posibilidad na maging pinuno ng bansa si Robredo.
“Dahil siya’y (Duterte) naging presidente, alam niya yung mga kakayahan na kinakailangan para maging isang Presidente at ang kanyang naging assessment na sumatutal, hindi po angkop na maging presidente ang ating bise presidente,” ani Roque sa interview ng PTV nitong araw.
Ang pahayag ng Presidential spokesperson ay tugon sa sagot ni Robredo sa unang banat ni Duterte na hindi siya pwedeng maging presidente.
Sinabi kasi ni VP Leni na ang publiko pa rin naman ang magpapasya kung sino ang magiging pangulo ng bansa.
“Hindi naman siya iyong magdedesisyon kung qualified ako o hindi, pero iyong taumbayan iyong magdedesisyon,” ani Robredo sa isang press briefing nitong Martes.
Sa isang online post, makahulugan ang naging tugon ng tagapagsalita ni Robredo sa statement ng Palasyo.
Ipinakita ni Atty. Barry Gutierrez ang headline ng ilang local at international press tungkol sa malalaking problema na hinarap ng administrasyon.
Tulad ng mababang rating sa COVID-19 response at pagbagsak ng ekonomiya sa gitna ng pandemya.
Because he's really the guy who knows all about how to lead a country competently, right? 💀 https://t.co/ifRod61Gog pic.twitter.com/cNFsqmyV7q
— Barry Gutierrez (@barrygutierrez3) February 17, 2021
“Because he’s (Duterte) really the guy who knows all about how to lead a country competently, right?,” ani Atty. Barry Gutierrez.
Nitong Martes nang ibasura ng Supreme Court, na siyang umuupong Presidential Electoral Tribunal, ang electoral protest ng kaibigan ni Duterte, at natalong kandidato na si dating Sen. Bongbong Marcos.