-- Advertisements --

Umabot na sa halos P54-milyon ang donasyon na nalikom ng Office of the Vice President at private partner nito para sa pagpaabot ng tulong sa mga apektado ng COVID-19 crisis.

Ayon kay Vice Pres. Leni Robredo, ang non-government organizaton na “Kaya Natin” ang siyang humahawak ng pondo.

Karamihan daw sa mga nagpaabot ng donasyon ay mga pribado indibidwal, kung saan may isang nag-donate ng P2-milyon.

Ang OVP naman ay una nang nagbigay ng P5.9-milyon na donasyon.

“Marami, iyong mga nagbibigay, mga 100 pesos—karamihan mga estudyante, ordinaryong tao. Gustong sabihin, talagang walang maliit, basta pagdating sa pagbibigay ng tulong. Kaya nagpapasalamat tayo, nagpapasalamat tayo sa lahat na nag-contribute. Gaano man po iyon kaliit, talagang malaking tulong sa ating mga frontliners.”

Pumapasok daw ang donasyon sa platform na “ticket2me” kung saan direktang pumapasok ang halaga sa nais pag-abutan ng tulong.

“Halimbawa, ang itatanong sa iyo, ano ba iyong gusto mo itulong: magbibigay ng PPE o magbibigay noong Food and Care Packages?”

Higit isang beses nang nakapamahagi ng personal protective equipment sa frontliners ang OVP at partner nito sa Metro Manila at ilang probinsya.

“Ang nabigay na namin as of today, 83,925,” ani Robredo sa kanyang weekend program.

“Actually, dito sa Manila, parang second round na kami o third round na. Sa probinsya, mayroon nang mga Round Two, mayroong mga first time na mabibigyan. Ang kahirapan kasi nito, halimbawa iyong first and second round namin, disposable iyong mga gowns, iyong protective suits, disposable. So talagang every day maraming nagagastos iyong ospital.”