Pinuna ni outgoing Senate President Vicente Sotto III ang tila special treatment ng Philippine National Police (PNP) sa pamilya ng SUV driver na suspek sa hit and run incident sa Mandaluyong City.
Naniniwala si Senator Sotto na maraming kailangang ipaliwanag si PNP Officer-in-Charge Lt. Gen. Vicente Danao Jr. lalo na nakita na pagmano nito sa magulang ng suspek na si Jose Antonio Sanvicente, bilang pagpapakita ng respeto.
Giit ng Senador na dapat na agad na nagsagawa ng drug test laban sa suspek nang ito ay sumuko alinsunod sa Anti-Drunk and Drugged Driving Act.
Isa umano siya sa dismayado sa nangyari bilang siya ang mismong may-akda ng Anti-drunk and drugged driving law
Dapat aniya na sundin ang batas at inihalimbawa pa ng Senador na kapag simpleng jeepney driver siguro ang nakasagasa baka ginulpi na.
Kailangan din aniyang magpaliwanag ni PNP chief Danao kung bakit hindi nito sinunod ang procedures.
Iginiit din ng Senador na dapat na magsagawa ng pagdinig at imbestigasyon ang Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs ng 19th Congress sa naturang isyu upang hindi na ito maulit pa.