-- Advertisements --
brtth may 30 2018 004
A woman walks fast in the compound of BRTTH where the new heart center building was inaugurated during the 100 years anniversary on Tuesday. Photo by Rhaydz Barcia/Rappler

LEGAZPI CITY – Nagpasaklolo na sa medical team ng Bureau of Fire Protection (BFP), Philippine National Police (PNP) at Philippine Army ang Bicol Regional Training and Teaching Hospital (BRTTH) sa Legazpi City dahil sa kakulangan na ng healthcare workers.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay BRTTH Medical chief Dr. Eric Rabocar, una na itong napag-usapan na kapag umabot na sa 75 ang bilang ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) patients sa ospital ay ma-activate na ang mga medical team ng naturang mga uniformed personnel para tumulong.

Sa kasalukuyan ay lumobo pa sa 168 ang bilang ng mga pasyenteng nasa severe at critical cases ng COVID-19 na mahigit kalahati na sa 250 bed capacity ng ospital.

Aniya, nangangahulugan ito na kulang na kulang na ang mga healthcare workers na mag-aalaga sa mga nagkakasakit lalo pa’t patuloy pa rin ang pagtaas ng COVID-19 cases.

Tanging ang BRTTH lang kasi ang COVID-19 referral ng apat na lalawigan sa Bicol kabilang na ang Albay, Sorsogon, Masbate at Catanduanes, dahil ito lang ang may kapabilidad na government ospital sa lugar.

Maliban sa COVID-19 cases ay tumatanggap pa rin ito ng mga ICU cases o nangangailangan ng intensive care.

Pinagpaplanuhan na rin na magdagdag pa ng mga COVID-19 ward subalit malaking problema ang kakulangan ng healthcare workers, lalo pa’t nasa 36 na sa naturang ospital ang umalis para magtrabaho sa ibang bansa.