-- Advertisements --

Kinumpirma ni Muntinlupa City Mayor Jaime Fresnedi na umabot na sa full capacity ang Ospital ng Muntinlupa, dahil sa dami ng mga nagpopositibo sa COVID-19 at iba pang kailangang bigyan ng medical attention.

Dahil dito, humingi ng pang-unawa ang alkalde para sa ibang mga kababayan nila na hindi agad maa-admit sa OsMun.

“Sinisikap po ng OsMun hanggang sa abot nang makakaya na makatulong, subalit maaaring hindi ma-accommodate sa ngayon ang mga bagong pasyente ng COVID-19,” wika ni Fresnedi.

Gayunpaman, patuloy pa ring operational ang outpatient department para sa non-COVID concerns tulad ng check-up at iba pa.

Matatandaang ilang lugar sa Muntinlupa ang isinailalim sa lockdown dahil sa mga naitatalang kaso ng coronavirus.

Sa ngayon ay may halos 700 COVID cases sa lungsod, habang 31 na ang binawian ng buhay.