Hinimok ni Manila 6th District Rep. Benny Abante si Vice President Sara Duterte na tumestigo sa Kamara de Representantes ‘under oath’ o tumestigo nang nakapanumpa.
Ito ay upang masagot ng pangalawang pangulo ang lahat ng mga alegasyon laban sa kaniya, dahil ang House Justice Committee aniya ang tamang forum para kontrahin ang mga naturang alegasyon.
Giit ni Abante, hindi nais ng komite na i-convict ang pangalawang pangulo o sabihing siya ay guilty, at sa halip ay nais lamang nitong malaman ang katotohanan sa likod ng mga alegasyong ibinabato laban sa kaniya.
Binalikan ni Abante ang naunang pahayag ni VP Sara na sasagutin niya ang mga alegasyon sa ‘tamang forum.’
Buwelta ng mambabatas, ito na ang pagkakataon at tamang forum para sagutin ni VP Sara ang mga alegasyon at komprontahin ang mga nag-aakusa sa kaniya tulad ni Ramil Madriaga, ang nagpakilalang umano’y dati niyang bagman.
Pagtitiyak ng mambabatas, papakinggan nila ang lahat ng mga sasabihin ni VP Sara at bibigyan din ng pagkakataong mailabas ang kaniyang panig.
Mas makakatulong din ito aniya para makapag-desisyon ang mga miyembro ng justice panel ang pagtukoy kung mayroong probable cause sa mga reklamo.















