Binuweltahan ng Office of the Solicitor General (OSG) ang dati ntong Solicitor General (SolGen) na si Florin Hilbay dahil umano sa malisyosong pahayag sa dati niyang opisina matapos ipagpaliban ang oral argument sa Anti Terror ACt of 2020 sa Supreme Court (SC) ngayong araw.
Hiniling kasi ni SolGen Jose Calida sa Korte Suprema na ipagpaliban ang oral argument matapos magpositibo sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang ilang abogado at staff na dadalo sana sa oral argument.
Matapos nito, nag-tweet si Hilbay at binanatan si Calida at sinabing ikinalulungkot daw nitong hindi maidepensa ni Calida ang panig ng pamahalaan dahil lamang sa ilang OSG personnel na nagpositibo sa virus.
Ikinumpara pa ni Hilbay si Calida na para umanong isang law student na naghahanap ng palusot para hindi mag-recite.
Pero para kay Calida, kung hindi raw siniseryoso ni Hilbay ang COVID-19 pandemic, ang OSG naman ay ayaw makompromiso ang kalusugan at ang mga dadalo sa oral arguments lalo na ang mga justices ng Korte Suprema.
Tinawag pa ni Calida na insensitibo at bastos ang mga pahayag ng dating SolGen dahil nasa gitna pa rin ang bansa sa epekto ng covid pandemic.
Iginiit ni Calida na hiniling nitong ipagpaliban ang oral argument para maiwasan ang community transmission ng nakamamatay na sakit kaya naman offensive umano ang pahayag ni Hilbay na dating head ng naturang opisina.
Ang opisina ng OSG sa ngayon ay nakasarado pa rin hanggang bukas dahil sa isinagawang disinfection.
“Florin Hilbay’s malicious tweet last January 15 downplays not only the wisdom of the Supreme Court in postponing the Oral Arguments but also the serious threats posed by the COVID-19 pandemic. Unlike Hilbay, the Solicitor General takes the COVID-19 pandemic seriously and will not give the virus a chance to compromise the health of the attendees of the Oral Arguments, especially the Justices of the Supreme Court. His tweet, then, borders on being insensitive, if not outright contemptuous. For Hilbay to insinuate (1) that the OSG is making-up this unfortunate event, (2) that the Solicitor General is unable to argue based on this event, and (3) that the testing of an Assistant Solicitor General who is tasked to argue on various issues, positive for COVID-19 is not meritorious enough to postpone the oral arguments, is not only offensive and demoralizing to the institution that he once led, but also highlights his utter insensitivity to the gravity of the situation faced by the OSG,” pahayag ni Calida.
Tiniyak ng Clerk of Court ng Supreme Court (SC) na hindi na muling ipagpapaliban pa ang oral argument sa Anti Terror Act of 2020 na itinakda sa Pebrero 2.
Una rito, pinayagan na ng SC na magkaroon ng limitadong bilang ng mga abogadong mula sa magkabilang panig na dadalo sa unang oral arguments ngayong mayroong COVID-19 pandemic.
Si Calida ay una nang pinayagang magdala nang hanggang tatlong abogado.
Ang mga papayagang dadalo ay kailangang magprisinta ng COVID-19 RT-PCR test result sa loob ng 72 hours bago ang oral arguments.
Sina dating solicitor general Jose Anselmo Cadiz, Free Legal Assistance Group chairman Chel Diokno, Albay Representative Edcel Lagman at apat pang abogado ang nakatakda sanang sasalang sa oral argument para pagdebatihan ang 37 petisyon na kumukuwestiyon sa ligalidad ng pagkakapasa ng naturang batas.
Ang oral arguments ay isasagawa anim na buwan matapos maging epektibo ang anti-terrorism law.
Kabilang sa mga naghain ng petisyon laban sa kontrobersiyal na batas sina dating SC justices Antonio Carpio at Conchita Carpio Morales, mga mambabatas, aktibista, estudyante, artists, journalists, labor groups at marami pang iba.
Sinabi ng mga petitioners na posibleng lalabag sa karapatang pantao ng mga aktibista at government critics ang naturang batas.