Binigyan ng Supreme Court (SC) ng 10 araw ang Office of the Solicitor General (OSG) kaugnay ng mosyon ng mga anti-terror law petitioners na intimidation o pananakot sa kanila ng militar.
Maalalang noong Lunes, hinimok nina retired justices Antonio Carpio t Conchita Carpio Morales at ilang law professors ng University of the Philippines ang SC na pagpaliwanagin ang OSG kung ang Facebook post daw ni Lt. Gen. Antonio Parlade ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ay isang official communication mula sa gobyerno o mula sa public officer.
Sa post ni Parlade binalaan nito ang mga indibidwal, grupo at organisasyon na kumokontra sa naturang batas na poprotekta sa ating mga kababayan laban sa mga terorista.
Hindi naman pinangalanan ni Parlade ang grupo ni Carpio pero mayroon itong nabanggit na mga pangalan mula sa Makabayan bloc ng Kamara at abogado ng National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL) na ilang beses nang inakusahang mga miyembro o sumusuporta sa komunistang grupo at ang kanilang daw pagiging fronts.
“The Day of Judgement is upon you and the Filipino people, who have suffered enough from the malignant hands of the CPP NPA NDF of which you are part of, sit in Judgement. Very soon, blood debts will be settled. The long arm of the law will catch up on you, and your supporters,” base sa post ni Parlade.
Lumabas ang naturang post ilang araw bago ang oral argument sa Anit Terror Law sa Pebrero 2.
Ayon kay Carpio at kanyang mga co-petitioners, ikinokonsidera nila ang naturang post na malinaw na banta sa kanila dahil kasama sila sa mga kumokontra sa naturang batas.
Samantala, isinama naman ng SC si retired justice Francis Jardeleza bilang amicus curiae o “friend of the court” sa oral argument.
Ang amicus curiae ay “experienced at impartial” lawyer na puwedeng imbitahin ng SC para tumulong sa resolusyon ng mga nakabinbing isyu base na rin sa Rules of Court.
Una nang hiniling ng beteranong mambabatas at dating solicitor general na si Atty. Estelito Mendoza na maging amicus curiae pero hindi ito inaksiyunan ng Korte Suprema.