-- Advertisements --

Mas pinaaga ng Supreme Court (SC) ang oral argument kaugnay ng No Contact Apprehension Policy (NCAP).

Mula sa unang petsa na Enero 24, 2023 ay ginawa itong December 6, 2022.

Ang Preliminary conference naman ay itinakda sa November 4, 2022.

Samantala, inatasan na rin ng Supreme Court ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na mag-furnish ng kopya ng petisyon.

Pagkatapos ng 10 araw ay pinagsusumite rin ng Korte Suprema ang MMDA ng komento kaugnay dito.

Una rito, nag-isyu ang Supreme Court (SC) ng temporary restraining order o TRO para ipatigil ang pagpapatupad ng No-Contact Apprehension Program (NCAP) sa ilang lugar sa Metro Manila.

Dahil sa TRO, mahigpit ang utos ng Supreme Court ang pagbabawal sa pagsingil ng multa sa no-contact apprehensions at pinagbawalan ang Land Transportation Office (LTO) sa pagbibigay ng motorist information sa lahat ng mga local government units (LGU), cities at municipalities na nagpapatupad ng NCAP.

Malinaw din sa kautusan na dapat ay hintayin muna ng mga LGUs ang mga direktiba kung ipatutupad na ba o hindi ang NCAP.

Una rito, apat na transport groups ang nagpasaklolo sa Supreme Court para ipatigil ang pagpapatupad ng naturang polisiya sa limang lugar sa National Capital Region (NCR).

Sinabi noon ni Atty. Vigor Mendoza II, lead counsel at head ng petitioner na Kilusan sa Pagbabago ng Industriya ng Transportasyon Inc. (KAPIT), ang pangunahing dahilan daw ng naturang Petition for Certiorari ay para ipadeklarang unconstitutional ang NCAP.

Maliban sa KAPIT, kasama rin sa mga petitioner ang Pangkalahatang Saggunian Manila and Suburbs Drivers Association Nationwide (Pasang-Masda), Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines (ALTODAP) at Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO).

Kung maalala, marami na rin ang nagkrereklamo sa pagpapatupad ng NCAP dahil sa ilang isyu kabilang na ang mga may-ari ng sasakyan ang namumultahan imbes ang mga driver na nagmamaneho ng sasakyan na lumabag dito.

Ang NCAP ay ipinatutupad sa Manila, Quezon City, Valenzuela City, Muntinlupa City at Parañaque City base na rin sa February 2016 resolution ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).