All set na ang ikinasang Oplan Kaluluwa ng Philippine National Police (PNP) para sa All Souls’ at All Saints’ Day sa November 1 at 2.

Ayon kay PNP chief police dir. Gen Ronald Dela Rosa, sakop ng Oplan Kaluluwa ang seguridad sa lahat ng mga sementeryo at sa mga matataong lugar sa bansa.

Sinabi ni Dela Rosa na parehong security template ang gagamitin ng PNP para sa taunang paggunita ng Araw ng mga Kaluluwa.

Umapela naman ang PNP chief sa publiko lalo na ang mga uuwi sa probinsiya na huwag iwan nang walang tao ang mga bahay dahil posibleng may mga grupong magsamantala lalo na ang mga akyat-bahay gang.

Dagdag pa ni Dela Rosa na kung maaari ay magsalitan ng pagtungo ng sementeryo para may maiwang nagbabantay sa mga bahay.

Una nang sinabi ng National Capital Region Police Office na magtatalaga sila ng mga pulis sa mga sementeryo.