-- Advertisements --

Inirekomenda ni House Defense Committee senior vice chairman Ruffy Biazon na silipin at pag-aralan ulit ang operational manual ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Ito ay kasunod na rin ng tinaguriang “misencounter” sa pagtian ng mga tauhan ng PNP at PDEA sa harap ng isang mall sa Quezon City noong nakaraang linggo, kung saan limang katao ang nasawi.

Ayon kay Biazon, bagama’t mahalagang mapanagot ang mga lumabag sa protocols na nagresulta sa miscounter, mainam na magkaroon din ng malalimang review sa operations manual ng PNP at PDEA upang sa gayon ay malaman kung ito mismo ay kailangan na ring ayusin.

Sa ganitong paraan ay matutukoy aniya ang mga flaws sa procedures at lapses na nangyari sa operasyon ng PNP at PDEA.

“While many are looking forward to seeing heads roll after the PNP-PDEA Fatal Fiasco at Ever, what I’d like to see are the flaws of their operational procedures followed by necessary changes to prevent a repeat and enable them to capture those in the drug trade,” ani Biazon.

Sa kabilang dako, naniniwala ang kongresista na kung nasunod lamang ang mandatory na paggamit ng body-cameras ng PNP at PDEA personnel ay natukoy sana kaagad ang totoong nangyari sa misecounter noong nakaraang linggo.

Kasabay nito ay muling nanawagan si Biazon sa mga kapwa niya mambabatas na aprubahan na ang inihain niyang House Bill No. 32, o ang Body Camera Act, na siyang nag-oobliga sa mga law enforcement personnel na magsuot ng body cameras sa tuwing magsasagawa ng special police operations.