-- Advertisements --

Napagdesisyunan ng Light Rail Transit Line 2 (LRT-2) na pansamantalang iklian ang operating hours nito dahil sa kakulangan ng manpower.

Ito ay matapos na dumami pa ang kaso ng coronavirus disease sa mga kawani ng LRT-2.

Sa isang pahayag, inanunsyo ng Light Rail Transit Authority (LRTA) na ang bagong operation hours ng rail line ay tuwing alas-sais ng umaga hanggang ala-sais ng gabi simula Abril 17 hanggang 30.

Mas maikli ito ng limang oras kumpara sa normal operating hours ng LRT-2.

Ayon kay LRTA Administrator Reynaldo Berroya, ang patakaran na ito ay batay sa kautusan mula sa Inter-Agency Task Force, upang maiwasan ang lalo pang pagkalat ng nakamamatay na virus at posibilidad na tuluyang maparalisa ang kanilang operasyon sakaling makaranas ito ng surge ng COVID-19.

Batay sa datos mula LRTA, 273 sa 1,906 LRT-2 personnel ang nagpositibo sa nakamamatay na virus simula noong Abril 14.

Dagdag pa nito na tanging 56 percent lang ng mga kawani ang pinapayagang magtrabaho sa ticket management at sales collection habang 73 percent naman sa mga train drivers ang naka-deploy.

Halos 68 percent naman ang pinapayagan sa iba pang station personnel.

Ang ilan sa mga ito kasi ay naka-isolate dulot ng COVID-19 infection o exposure sa indibidwal na COVID positive.

Tiniyak naman ni Berroya na nananatiling manageable ang operasyon ng LRT-2 sa kabila ng manpower deficit.

Inaasahan na babalik sa normal ang operating schedule ng LRT-2 sa May 1.