Tiniyak ng Department of Foreign Affairs (DFA) na kasalukuyang iniimbestigahan na ng pamahalaan ang umano’y operasyon ng “espionage” o pang-eespiya ng ibang bansa sa Pilipinas.
Ito’y kasunod ng paglutang sa isang dokumentaryo ng umano’y Chinese spy at isinawalat na may mga ipinakalat na espiya ang Beijing sa ilang bansa, kabilang si dating Mayor Alice Guo.
Ayon kay DFA Sec. Enrique Manalo, nakatutok ang pamahalaan katuwang ang iba pang ahensya sa pag-iimbestiga sa sinasabing pagpasok sa Pilipinas ng mga espiya ng ibang bansa.
Gayunpaman, hindi na nagbigay pa ng ibang detalye si Manalo tungkol sa naturang imbestigasyon.
Hindi rin aniya nakikipag-ugnayan ang Chinese government sa DFA at wala pa siyang impormasyon kung nakipag-ugnayan na ito sa ibang ahensya ng pamahalaan.
Tiniyak naman ng kalihim na bubuksan nila ang usapin ng “espionage” kapag nagharap ang Pilipinas at China sa ASEAN Summit sa Laos sa susunod na linggo.