Inatasan ng Philippine National Police (PNP) ang mga tauhan nito na maging agresibo sa kampanya laban sa sugal.
Ito’y sa gitna ng mga ulat ng mga iligal na peryahan na nag-o-operate sa iba’t-ibang lugar sa bansa at nagpapasugal.
Ayon kay PNP Directorate for Operations (DO) chief, PMGen. Val De Leon na magpapatupad sila ng “One Strike Policy”sa mga police commander na mapapatunayang nagpapabaya sa trabaho at nakikipagsabwatan sa mga operator.
Paliwanag ng Heneral, mayroon na silang memorandum na umiiral tungkol dito at mahigpit nila itong ipatutupad na.
Paalala ng opisyal, may utos mula kay Executive Secretary Salvador Medialdea at PCSO Chairperson Royina Garma na bawal ang Peryahan ng Bayan dahil hindi ito otorisado.
Samantala, base sa monitoring ng PNP, lumalabas na ang CALABARZON ang rehiyon sa bansa na may maraming iligal na peryahan.