CENTRAL MINDANAO-Upang matulungan ang mga magsasaka ng palay sa probinsya isang consultation dialogue on hybrid rice production ang pinangunahan ng Office of the Provincial Agriculturist (OPAg) katuwang ang Department of Agriculture (DA).
Ang nasabing konsultasyon ay bilang pagtalima sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na siya ring kalihim ng Department of Agriculture na tiyakin ang sapat na pagkain sa hapag ng bawat pamilyang Pilipino bilang bahagi ng kanyang “MASAGANA 200 PROGRAM.”
Naging resource speaker sa nasabing konsultasyon si DA Hybrid Rice Consultant Dr. Frisco M. Malabanan kung saan nagbigay ito ng impormasyon tungkol sa makabagong teknolohiya na maaaring makatulong sa mga magsasaka ng lalawigan.
Napag-usapan rin sa nasabing aktibidad ang iba’t-ibang isyung kinakaharap ng mga magsasaka ng palay sa probinsya at iba pang mga programang pang-agrikultura na nais ipatupad ng Marcos administration.
Sa kanyang mensahe, hinikayat naman ni Governor Emmylou Taliño-Mendoza ang mga municipal agriculturists, agriculture technologists at iba pang stakeholders na magtulungan upang maayos na maipaabot sa mga magsasaka ang mga programang pang-agrikultura ng DA.
Nabanggit din nito na sa pamamagitan ng naturang konsultasyon ay magkakaroon din ng ideya ang pamahalaang panlalawigan kung anong mga farm inputs at tulong ang kinakailangang ipaabot sa mga magsasaka ng lalawigan na maaaring maisali sa 2023 budget.
Ang aktibidad ay isinagawa sa Provincial Capitol Rooftop, Amas, Kidapawan City, ngayong araw Hulyo 22, 2022 na dinaluhan nina Committee on Agriculture and Food Chairman Board Member Jonathan M. Tabara, former DA Regional Executive Director Amalia Datucan, R&F Industry Head Ramon Floresta, Philippine Rice Institute Representative Isagani V. Boholano, DA XII Regional Rice Coordinator Ray J. Embahador, Provincial Agriculturist Sustines Balanag, former Provincial Agriculturist Eliseo Mangliwan, National Irrigation Agency representative Doroteo Canja, Former Board Member Loreto Cabaya, municipal officials, municipal agiculturists and technicians, private sectors, irrigators associations at mga rice millers.










