-- Advertisements --

Pormal nang hiniling ng Office of the Solicitor General (OSG) sa Korte Suprema na ibasura ang mga petisyon ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa na naglalayong harangin ang pagpapatupad ng arrest warrant ng International Criminal Court (ICC) laban sa kanya.

Sa isinumiteng komento ng OSG para sa kasong G.R. No. 278747, hinimok nito ang Mataas na Hukuman na ibasura ang Urgent Manifestation with Omnibus Motion at Extremely Urgent Supplemental Manifestation with Motion ng senador dahil sa kawalan ng sapat na basehan o lack of merit.

Ikinatwiran ng gobyerno na maaaring legal na ipatupad ng mga awtoridad sa Pilipinas ang kautusan ng ICC kahit walang hiwalay na warrant na inilalabas ang lokal na korte.

Isinumite ang tugon matapos bigyan ng Korte Suprema ang executive brance ng bansa ng 72-hour non-extendible period upang magpahayag ng kanilang panig.

Matatandaang humingi ng saklolo sa hudikatura ang kampo ni Dela Rosa upang pigilan ang anumang pag-aresto, pagpapakulong, o pagsuko sa kanya matapos kumpirmahin ng ICC ang paglalabas ng warrant kaugnay ng imbestigasyon sa “war on drugs” ng nagdaang administrasyong Duterte.