-- Advertisements --

Tiniyak ng Metropolitan Cebu Water District (MCWD) na handa silang harapin ang posibleng kakulangan sa suplay ng tubig dulot ng matinding tagtuyot at ng inaasahang epekto ng El Niño phenomenon.

Sa pagtatanong ng Star FM Cebu kay MCWD General Manager John DX Lapid, sinabi nitong nakaranas na ng bahagyang pagbaba sa produksyon ng tubig sa Jaclupan-Talisay facility.

Mula sa dating 25,000 cubic meters kada araw, bumaba ito sa 21,000 cubic meters kada araw.

Dahil dito, ilang southern barangays ng Cebu City at mga kalapit na lugar ang nakararanas ngayon ng limitadong suplay ng tubig, kung saan kadalasan ay madaling-araw lamang nagkakaroon ng tubig.

Gayunman, ayon kay Lapid, nananatiling maayos ang suplay ng tubig sa northern na bahagi ng Metro Cebu.

Tiniyak din ng MCWD na mayroon silang mga alternatibong hakbang sakaling lumala pa ang kakulangan sa tubig, kabilang ang pagpapatupad ng water rationing at paggamit ng desalinated water.

Patuloy rin umano ang kanilang groundwater projects upang makatulong sa pagpapanatili ng sapat na suplay kahit sa panahon ng tagtuyot.

Hinimok din nito ang publiko na magtipid sa tubig, gamitin lamang ito sa mahahalagang pangangailangan, at agad ireport sa MCWD ang anumang water leaks upang maiwasan ang pag-aaksaya nito.