Inaprubahan ng Kamara de Representantes sa ikatlo at huling pagbasa nitong Martes ang House Bill No. 9461 o ang “Child Online Safety and Protection Act of 2026,” na layong paigtingin ang proteksyon ng mga bata laban sa online sexual abuse at iba pang digital na banta.
Sa botong 284 na pabor, walang kontra, at walang abstention, ipinasar ng mga mambabatas ang panukalang batas na isa sa mga priority measure ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC).
Pangunahing may-akda nito sina House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III at House Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos.
“Walang puwang sa ating lipunan ang mga taong nagsasamantala sa mga bata. Ang tungkulin ng pamahalaan ay tiyaking ligtas ang ating mga anak—sa tahanan, sa paaralan, at maging sa internet at social media,” pahayag ni Speaker Dy.
Papalawigin ng panukala ang Republic Act No. 11930 upang isama sa depinisyon ng krimen ang mga content na gawa sa Artificial Intelligence (AI), synthetic, at digitally manipulated tulon ng mga deepfakes na gumagamit ng mga bata. Papatawan din ng parusa ang online grooming, sexual extortion, luring, at livestreamed exploitation.
Ang mga mapatutunayang nag-produce o nag-facilitate ng child abuse materials ay mahaharap sa habambuhay na pagkabilanggo at multa na hindi bababa sa P2 milyong piso.
Mahaharap sa parusa na aabot sa 20 taong pagkakakulong sa mga mapapatunayang nagmamay-ari nito, at hanggang 12 taon sa mga sadyang nag-a-access sa mga naturang materyal.
Sa ilalim ng panukalang batas, bibigyang-kapangyarihan ang awtoridad na mag-block at mag-takedown ng mga ilegal na website at account.
Inaatasan din ang mga internet service provider, digital platforms, at financial institutions na mag-ulat at maglimita sa mga kahina-hinalang transaksyon na may kaugnayan sa pang-aabuso.
Itatatag din sa ilalim ng Department of Justice (DOJ) ang National Council for Child Online Safety and Protection, kasama ang National Child-Safety Command and Operations Service bilang operational arm para sa imbestigasyon at operasyon laban sa mga sindikato.










