-- Advertisements --

Isinusulong ni Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Governor Benjamin Diokno ang online banking sa gitna ng enhanced community quarantine sa buong Luzon.

Sa isang statement, sinabi ni Diokno na sa pamamagitan nang pakikipagtransaksyon online ay malilimitahan ang face-to-face transactions at maiiwasan na rin ang pagkalat pa ng COVID-19.

Kaugnay nito ay hinimok ni Diokno ang publiko na gamitin ang ilan sa mga lehitimong e-payment services tulad ng PESONet at InstaPay sa pagbayad ng mga pinamiling essential items tulad ng pagkain at gamot, pag-transfer ng pera sa ibang accounts, at pagbayad ng mga utility bills, loans at iba pa.

Iginiit ni Diokno na ang service charges sa mga e-payments tulad ng PESONet at InstaPay ay pansamantalang tinanggal muna sa kasagsagan ng Luzon-wide lockdown.

Sa pamamagitan ng InstaPay, maaring makapaglipat o makapagpadala ng pera ang isang account holder ng hanggang P50,000 kada araw, na realtime namang matatanggap ng pinadalhan.

Ang PESONet naman ay nakadisenyo para sa malalaking transaksyon ng mga kompanya, negosyo, ahensya ng pamahalaan at maging ng mga ordinaryong indibidwal dahil ito ang siyang electronic alternative sa pag-transfer ng pondo sa pamamagitan ng mga cheke.


Ayon kay Diokno, walang transaction limit kada araw sa money transfers sa ilalim ng PESONet, at realtime din itong matatanggap ng pinadalhan.

Sa pagdinig ng House Defeat COVID-19 Committee kahapon, sinabi ni Diokno na nakikita niyang magandang pagkakataon ang ECQ para isulong ang online banking.

Gayunman, nagbabala ang BSP at National Bureau of Investigation (NBI) sa publiko na magdoble ingat sa mga transaksyon online ngayong may enhanced community quarantine.

Ito ay matapos na maitala ang 100 percent spike sa phishing cases sa online transactions dahil marami ang nagsasamantala sa kasalukuyang sitwasyon.