Inanunsiyo ng Bureau of Immigration (BI) na simula ngayong araw ay pansamantala nilang sususpendehin ang online appointment system para sa mga foreign clients sa Intramuros, Manila.
Kasunod na rin ito ng muling paglagay sa Metro Manila sa modified enhanced community quarantine (MECQ).
Sa public advisory, pinayuhan ni BI Commissioner Jaime Morente ang mga kliyente na mayroong kumpirmadong appointment ula Agosto 3 hanggang Agosto 18 na muli na lang mag-apply para sa mga bagong schedule para makipag-transact sa BI kapag lifted na ang MECQ.
Kailangan umanong tanggalin muna ang online scheme dahil sa skeletal workforce nito sa kanilang main office habang epektibo pa ang MECQ.
Pero sinabi ng BI Chief na bukas pa rin naman ang online appointment system sa mga banyagang naka-schedule na at balak talagang umalis na sa Pilipinas.
Dagdag niya, patuloy din silang magre-reserve ng slots para sa mga departing aliens na kailanang kumuha ng kanilang Emigration Clearance Certificate (ECC), re-entry permit at maging ang pag-update sa kanilang extension fees.
Sa kabila nito, kailangan pa rin daw ng mga foreigners na iprisinta ang kanilang kumpirmadong flight bookings o plane tickets bago pumasok sa bakuran ng BI.
Kabilang naman sa mga suspendidong transaksiyon sa BI main office ang mga sumusunod:
– applications for conversion to or renewal of immigrant visa;
– petition for recognition as Philippine citizens, kabilang ang Republic Act 9225 o dual citizenship law;
– downgrading of visa status;
– tourist visa extension;
– special work permits (SWP) at provisional permit to work (PPW);
– renewal of alien certificate of registration (ACR I-Cards); at
– pagpapatupad sa aplikasyon para sa visa conversion o extension na aprubado ng Board of Commissioners (BOC) ng Bi.
Kaugnay nito, punayuhan naman ng BI ang mga papaalis na banyagang mayroong tourist visa na overstaying na sa bansa nang hindi lalagpas sa anim na buwan na bayaran na lamang ang kanilang visa extension fees sa airport.