-- Advertisements --

Matinding traffic ang nararanasan ngayon sa Cardona, Rizal kung saan nangyari ang banggaan ng dalawang trailer truck at isang pampasaherong jeep na ikinawi ng siyam na katao at limang sugatan.

Sa panayam ng Bombo Radyo sinabi ni Cardona, Rizal Municipal Disaster Risk Reduction Office (MDRRMO) chief Mr. Bong Bernabe na ongoing ang road clearing operation sa ngayon kung saan inaalis na sa lugar ang nagbanggaan na dalawang truck at jeep.

Payo naman ni Bernabe sa mga motorista na iwasan na lamang muna ang Cardona at Binangonan area.

Tukoy na rin ang pagkakakilanlan ng anim sa siyam na mga nasawi sa banggaan. Sa ngayon, nagpapagaling na sa hospital ang limang sugatan.

Samantala, todo hinagpis naman ang mga kamag anak ng mga nasawi kabilang na ang driver, pasahero at byanders.

Nangyari ang aksidente pasado alas-5 ng umaga kanina kung saan paakyat sana ng pakurbang bahagi ng kalsada ang 10 wheeler truck na may kargang buhangin ng mawalan umano ito ng preno at nabangga ang kasalubong na dump truck at pampasaherong jeep na papunta naman ng Binangonan.

Sa lakas ng impact, wasak ang jeep at tumalsik naman ang mga sakay nitong mga pasahero.

Pahirapan ang naging retrieval operations na kinailangan pa ng tulong mula sa BFP, DPWH at Red Cross.