
Inilunsad ng Department of Health (DOH) ang One Hospital Command, na isang stratehiyang tutulong sa mga ospital na congested o puno na ang pasilidad na nakalaan sa COVID-19 patients.
Si Health Usec. Leopoldo Vega ang naatasang mamuno sa implementasyon ng inisyatibo, na magbibigay katiyakan na nasa tamang pasilidad ang COVID-19 cases habang sila ay nagpapagaling.
Inaasahan din daw na tutugunan nang bagong stratehiya ang kalbaryo ng ilang pasyente na matagal naghihintay sa emergency room ng mga ospital bago ma-admit.
“Itong One Hospital Command, public and private will work together and we will form a huge network para nagkakaroon tayo ng referral system na maayos at maiayos natin lahat ng pasyente so that all can acces our facilities para sa needed care nila,” ani Health spokesperson Maria Rosario Vergeire.
“Isa rin (sa One Hospital Command) yung pagkakaroon ng network ng mga ospital with our temporary treatment and monitoring facilities.”
Kung maaalala, unang naglunsad ng network ang Philippine General Hospital sa Philippine International Convention Center, na isa sa mga quarantine facilities sa Metro Manila. Matapos nito, ilang pagamutan na rin daw ang sumunod sa naturang hakbang.
“Mayroon na tayong allocated beds for specific hospitals in our temporary treatment and monitoring facilities, para ‘pag sila may dumating sa kanilang mild and asymptomatic, doon na nila papupuntahin. Mayroon nang usapan, may magbabantay.”
Nilinaw naman ng opisyal na iba ang mandato ng nilunsad na One Hospital Command sa trabaho ng Regional Epidemiology and Surveillance Units (RESU).
“(RESU) It is a surveillance system. And usually when you talk about surveillance, you monitor the trends, and numbers of infectious diseases. It doesn’t really dwell or address management of these infectious diseases.”
Umaasa ang Health department na sa pamamagitan ng bagong stratehiya, ay matutugunan ang mga problema sa referral system mga ospital sa COVID-19 patients.
“Gatekeeping is when yung tamang pasyente ang napupunta sa tamang level ng ospital. Kapag may gatekeeping ka na, strong dapat ang referral system mo.”