LEGAZPI CITY – Hindi na itinuloy ng ilang Overseas Filipino Worker (OFW) sa Hong Kong ang pag-uwi sa Pilipinas ngayong holiday season.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Gina Olimpo, OFW sa Hong Kong, nakatakda sana siyang umuwi ng bansa dahil dito balak na ipagdiwang ang Pasko subalit kinansela na lang dahil sa banta ng bagong variant ng COVID-19 (Coronavirus Disease 2019).
Nangangamba aniya siya na baka hindi na makabalik ng Hong Kong kung sakaling magpatupad ng travel ban ang Pilipinas sa nasabing rehiyon.
Kasama ang Hong Kong sa mga lugar na nakapagtala na ng kaso ng bagong COVID variant na Omicron tulad ng South Africa, Bostwana, Belgium, Israel, Germany at iba pa.
Sa kabila nito, pinapayagan pa rin na makapasok sa Pilipinas ang mga traveller mula Hong Kong dahil nananatili itong nasa “yellow list” ng Pilipinas.
Subalit para kay Olimpo, mas pipiliin na lamang niya na ipagpaliban ang pag-uwi kahit dalawang taon nang hindi nakikita ang pamilya kaysa ma-stranded at hindi na mabalik sa Hong Kong para magtrabaho.
Samantala, mahigpit pa rin ang mga ipinapatupad na health and safety protocols sa Hong Kong laban sa COVID-19 kasama na ang pagmumulta ng P20,000 kapag nahuling walang suot na facemask.